Digital Karma
Sunday, July 30th, 2006Kamakailan lamang po ay nakatanggap ako ng e-mail galing sa isa sa mga friendster ko dito na naglalaman ng isang "e-mail thread" na nakatutuwa raw. Binasa ko ang laman ng e-mail at ako ay hindi natuwa.
Ang laman po ng e-mail na ipinadala sa akin ng kaibigan ko ay tungkol sa isang "written exam" mula sa isang applikante ng isang call center dito sa Pilipinas. Kung susuriin natin ang kanyang mga isinulat sa eksaminasyon, masasabi nga natin na mali-mali ang grammar ng nagsulat. Gugulong talaga sa kakatawa ang sinuman na makakabasa nito.
At bago ko ihayag ang aking opinyon dito sa eksamin na ito, nais ko rin munang basahin ninyo ang nilalaman ng e-mail na aking natanggap.
Hayan, at salamat at binasa mo rin. Nag-enjoy ba kayo?
Ngunit, subalit, datapwa’t sa una ay medyo nalibang ako sa kababasa ng essay niya, naisip ko na hindi maganda itong nangyayari na ito…
Una: Bakit inilabas ng Hiring Manager yung exam na ginawa ng pobreng aplikante at ipinakalat pa sa e-mail?
Ikalawa: Bakit ginawang katawa-tawa ng lahat ng pinag-daanan nitong e-mail thread na ito ang eksamin ng aplikante, may nakakatawa ba? At;
Ikatlo: Hindi ba’t dapat ay mag-encourage ang mga call centers dito sa Pilipinas upang maging bihasa pa ang mga kababayan natin sa pagsasalita ng wikang Ingles? Nabasa ko minsan sa diyaryo na kailangan pa nila ng mas maraming "English-speaking professionals" dahil mas maraming manpower ang kanilang kailangan para sa kanilang operasyon. Mukhang sila pa ang nagtutulak pababa sa mga kababayan natin upang huwag nang subukan na magsalita nito at baka maging katawa-tawa lang sila.
Para sa mga pinag-daanan at umalipusta sa written exam ng pobreng aplikante nitong e-mail na natanggap ko, isa lang ang masasabi ko sa inyo: Mga wala kayong kuwenta. Hindi ba kayo dumaan diyan sa punto na nag-aaral pa rin kayong mag-Ingles? Ang tatapang niyo rin naman na mag-iwan pa ng contact address at pangalan ng kumpanya sa mga e-mail signature ninyo. Ayokong isipin na wala na ring kuwenta ang kumpanya ninyo.
Para naman sa kumpanya na nagpakalat nitong e-mail na natanggap ko: Wala rin kayong kuwenta! Bakit kayo tumanggap ng mga hiring personnels na ganito?
Gusto ninyong malaman ang mga kumpanya na iyan? Tingnan nyo na lang ang mga karatula sa Ortigas Center at sa Libis. Yung isang mang-lalait naman eh sa isang call center na nasa Makati na katunog ng paborito kong Taco sa kubaw.
Kung sino man sa inyo ang magaling sa batas, may batas ba na nilabag ang kumpanya ng call center na nagpalabas nitong e-mail na natanggap ko?
Kung walang nilabag na batas iyang call center na iyan, tandaan ninyo mga friends, digital na ang karma ngayon. Mabilis din iyang babalik sa inyo.
Sabi nga ng isang paalala sa telebisyo: Basurang itinapon mo, babalik din sa iyo!