Nina Spoiled Spielberg
Sunday, September 24th, 2006I HATE NINA.
Iyan lang po ang masasabi ko pagkaraan kong mapanood ang napakagandang pelikula ni Uncle Steven Spielberg na "MUNICH". At ano naman ang konek ni Nina sa pelikula ni Uncle Steven? Iyan po ang iku-kwento sa inyo dito sa blog entry ko na ito.
Sobrang haba ng bakasyon ko ngayon at naisipan kong magpunta sa Video City para umarkila ng mga bagong labas na VCD ng mga magagandang pelikula ngayon. At dahil nga medyo busy si Lorenzo Makoy sa kanyang trabaho, wala na akong oras manood ng sine at hinihintay ko na lang ilabas ng aking paboritong VCD rentals ang mga bagong latest! Alam nyo naman ang mga video rentals ngayon, ilang buwan lang makalipas ang showing sa sine eh ilalabas na nila ito para sa home viewing dahil sagot na rin siguro ito laban sa mga prends nating pirata diyan sa tiangge.
At nahiram ko ang pelikula ni Uncle Steven Spielberg na pinamagatang "MUNICH". Ito po ay hango sa totoong istorya na nangyari noon sa 1972 Munich Olympics kung saan napatay ng mga terorista ang mga atletang Israelita na lumahok dito sa patimpalak na ito. Tumakbo ang istorya kung paano inisa-isang hanapin ng mga secret agents ng Israel ang mga terorista sa iba-ibang sulok ng mundo upang lipulin ang mga ito. Napakaganda ng takbo ng istorya, Steven Spielberg ba naman eh! Idol!
Noong una, akala ko ay may radyo na pinatutugtog sa soundtrack nitong pelikula na ito dahil may binuksan na transistor sa hideout nila ang mga terorista. Pero nang di maglaon, parang napansin ko na hindi na bagay ang tugtog na inaawit sa bandang kaliwa ng tenga ko. Alam nyo naman, sinet-ap ko ang aking sound system dito kaya dumadagundong ang tunog ng VCD player ko (astig!). At alam nyo ba kung bakit nasabi kong hindi na kasali ito? Isang buong NINA LIVE album ang tumutugtog sa umpisa hanggang sa huli ng MUNICH Film. Anoooh??? Huwag ninyong sabihing kasama ng soundtrack ng pelikulang ito ang buong album ni Nina na puros cover? Malabo. Hindi rin ako ipinanganak kahapon. Naligaw ito sa pagma-master ng VCD na ginawa ng Magnavision Philippines.
Gusto ba ninyong makita at marinig ang naligaw na soundtrack sa Munich? Heto po ang sampol na galing sa VCD na ginawa ng Magnavision:
Sinubukan kong papalitan ang naarkila kong Munich VCD sa Video City, pero malas…lahat ng kopya na galing sa Magnavision ay ganoon talaga.
Haay, ayun, nakakailang tuloy panoorin ang napakagandang pelikula na ito ni Uncle Steven. Pinapangit ang pelikula ng album ni Nina. Kung subliminal advertising campaign ito para i-promote ang album ni Nina, aysus, style ninyo bulok!
Paging Magnavision Incorporated at Video City, ayusin ninyo naman ang mga kopya nyo!
- "Munich" Film Copyright 2005 Universal Studios and Dreamworks LLC.